Pagmumuni-muni

Matagal tagal na rin
akong hindi tumingin
sa itaas. Kislap ng mga bituin
nawalan na ng saysay. Ni ang
malambing na buwan, hindi ko na
pinansin. Impostor, mapagkunwaring
bato! Hahabol-habol, mangangako
tapos biglang magtatago!

Gusto ko ng kasiguruhan, tulad
ng kadiliman. Ngayong gabi
sumilip-silip ang langit. Nagtatanong:
ako lang ba ang nakatingin sa iyo?

Balita

Sabi sa balita magiging maaraw ngayon
kaya hindi ako nagdala ng payong.

Tatanga-tanga na naman ako.
Ang hangin: humahalakhak habang
binubuhusan ako ng malamig na tubig.

Ayaw kong magmukhang mahina
kaya’t tuloy pa rin ako sa paglalakad.
‘Di bale na kung ang aking mga paa
ay maputikan. Mahirap talaga manatiling
malinis kapag nasasaktan. (Nakakainis.)

Dinadaig ako ng ulap sa pag-iyak.
Nilulunod ang parang sa luha.
Binibingi ang kakahuyan sa hiyaw.
(Hoy, ulap, akala mo ba
ikaw lang ang nahihirapan?)
Sukang-suka na ang mga halaman sa sakit.

Nasaan ka na ba, Araw?
Hindi ba’t alas-tres pa lang ng hapon?
Masyado na ba kaming nalunod sa pighati,
na ‘di na namin maaninagan ang iyong ilaw?
O ikaw rin ba, ay nakain na ng kadiliman?

Patuloy sa pangungutya ang hangin.
Kaunti na lang, masasanay na ako sa ginaw.
Ano pa nga ba ang saysay ng lumaban, kung
pare-pareho lang naman tayo ng kapalaran?

Sumuko na ang mga sanga kumapit
sa mga puno. Nagkalat silang tila mga bangkay
sa daan. Tulad nila, napapagod na rin akong
magkunwaring malakas.

Hindi ko alam kung kakayanin ko pang maglakad,
ngunit ako ay may naaninagan: aninong papalapit
dala-dala ang payong na magpapatahimik
sa hangin at magpapatahan sa ulap.

Para sa Isang Mananakayan

“Isa pa. Isa pa
rito!” sigaw ni manong.
Bilisan mo na
at baka maiwan ka na
ng dyip. Huwag ka nang
magreklamo sa kakulangan
ng upuan. Buti nga, pinasakay
ka pa. ‘Di bale nang walang
masandalan ang iyong puwit,
maya-maya nama’y nasa
bahay ka na. Kumapit ka muna
diyan. Hawakan nang maiigi ang
mga gamit. Pabayaan ang pawis
ng katabi na napupunas sa iyo.
Magkunot at tignan ang daanan.
Kapag nakita mo na ang gasolinahan
sa kanto, sumigaw ka ng “PARA!”

Siguraduhin mong malutong ang
pagkasabi mo. Huwag malambot.
Nakakahiya. Malalaman nila:
maunlad kang pinalaki
ng magulang mo.